Tinig ng Bayan
Barangay EDSA


Si Berting.

Mabait, masipag, matapang, at makatao. Dahil kay Berting at sa katropang tricycle drivers
ay napigilan ang pagkalat ng droga at hueteng sa barangay namin. Kalaban sila ng drug
pushers at hueteng collectors na maraming beses nang nagtangkang pasukin ang lugar
namin. Kaya naman kilala at respetado si Berting.

Bukas ay di papasada ng tricycle si Berting maski kailangan ng anak ang pangmatrikula.
Kailangan siya ni  Anto. May kanser sa baga si Anto. Malubha na. Payat na payat na siya.
Mababakas mo sa kanyang mukha ang matinding paghihirap. Nakakaawa.

Bukas ay ooperahan si Anto ng tropa ni Berting. Kasama sa tropa si Diego, batikang
matadero sa Marikina. Matatag ang kamay. Siya ang hihiwa sa dibdib ni Anto. Kasama
sa tropa si Tess. Dentista si Tess, marunong sa anestisya. Sa kanya ka paroot- canal
at wala kang mararamdamang sakit. Nandun rin si Lorna, surgical nurse at sanay mag-
assist sa OR. Aalisin nila ang isang baga ni Anton sa klinika ni Tess.

Iyun ang Plan A ni Berting. Meron din siyang Plan B.

Kundi matuloy ang Plan A, may nakahanda siyang back-up plan. Ibang tropa naman ang
nasa Plan B. Nandun si Agarao, kilalang manggagamot sa Baguio. Maraming turista ang
dumadayo sa Baguio para sa kanyang bloodless operation. Kasama rin si Aling Bebang,
tindera ng iba't-ibang gamot sa Quiapo. Mabisa raw yung mga tuyong ugat ng ligaw na
halaman na galing pa sa Bikol. Iba't-ibang sakit ang napagagaling - hika, rayuma, lagnat,
tb, high blood, at iba pa. Alis daw lahat yun basta uminom lang ng pinaglagaan ng ugat ng
halaman. Ibang sakit, ibang klaseng ugat. Siempre iba rin ang may swerte. Kaya kasama
rin sa tropa si Madam Auring, kilalang manghuhula sa Baclaran. Ang mga orasyon niya
ang magtataboy sa masamang ispirito ng kamalasan at magdadala ng swerte kay Anto.

Sabi ko na sa inyo, magaling yang si Berting. May Plan A na, may Plan B pa!

Si Benjie

Gago si Berting, sabi ni Benjie nang makausap ko kanina. Tricycle driver lang siya pero
gustong gamutin yung kanser ni Anto. Ano siya, sira ulo? Napapraning na yata si Berting
sa dami ng problema sa buhay. Dapat ipamental yang si Berting, galit na sabi ni Benjie.

Oo nga pala, 3 kaming magkakabarkada mula pagkabata - si Berting, Benjie, at ako. Laki
kami sa Barangay EDSA. Kung nakapunta ka sa Payatas para mo na ring narating ang
Barangay namin. Magkaklase kami mula elementary hanggang 3rd year high. Tumigil sa
pag-aaral sa Berting nuong 4th year kaya kami lang ni Benjie ang nagtapos sa high school.
Sa aming tatlo si Benjie lang ang nakapag-aral sa kolehiyo.

Kagabi nag-inuman kami sa pondahan ni Aling Lydia. Padispedida ni Berting sa akin
dahil sa isang linggo ay matutuloy na rin ang alis ko puntang Saudi. Champion yang si
Berting pagdating sa kaibigan Sobrang makisama.

Mga Pasaring

Pero sa totoo lang ang Plan A at Plan B na sinabi ni Berting kagabi sa aming inuman ay
kanyang kathang isip lang. Mga pasaring lang kay Benjie. Madalas kaseng magtalo ang
dalawa.

Eto kasing si Benjie ay mahilig sa pulitika at masyadong panatiko sa kanyang mga idolo.
Pag paborito nyang artista, singer, o basketbolista ang kumandidato ay takip-mata ang
suporta niya. Huwag mong sabihing high-school graduate lang o no-speak-english yung
idolo niya bale wala sa kanya yun, full support pa rin siya. Basta manalo ang idolo niya ay
masaya na siya.

Katuwiran niya mabait, masipag, at makamahirap ang mga idolo nya. Maski bobo yung
kandidato pwede raw naman maghire ng staff na tutulong sa kanila pag nasa pwesto na.
Tulad ni Berting, mabait, masipag, at makahirap. Tutulungan siya ng nurse, dentista, at
matadero. Imposible bang gamutin nila ang malalang kanser ni Anto?

Imposible yun, sabi ni Benjie. Pero saan ka naniniwala si Benjie na kayang gamutin ng
kanyang mga idolo ang malalang kanser ng ating lipunan. E, ano kung undergraduate o
no-speak-english yung mga idolo nya. Maghire lang daw ng magagaling at matatalinong
staff, problema ba yun? - iyan ang katwiran nya.

Minsan naririndi na ako sa bangayan si Berting at ni Benjie. Pero, ok lang, sa isang linggo
nasa Saudi na ako. OFW na ako. Kahit pansamantala ay di ko na maririnig ang ingay ng
dalawa. At di ko na rin kailangan uminom para maging manhid sa nangyayari sa aming
buhay. Buti na lang bawal ang alak sa Saudi.

Ganito kami sa Barangay EDSA. Binuklod ng pagkakaibigan pero may kanya-kanyang
pananaw sa buhay batay sa kung ano lang ang abot ng aming kaisipan at pinag-aralan.
Tinig ng Bayan

Hinagpis ni Juan de la Cruz
Tinig ng middle class na Pinoy
Barangay EDSA
Why we don't trust politicians
KATIG.COM




Sections

Charities
Colleges
Dictionary
Education
Government
History
Philippine News
Phone Directory
Schools
Travel
Universities
Weather




Filipino Corner

Alamat
Balita
Bugtong
Idioms
Kasabihan
Kawikaan
Pabula
Palaisipan
Pinoy Jokes



Email Us