EDSA People's Power
Hinagpis ni Juan de la Cruz


Hayop ang buhay ko Tol. Maghapong kayod kalabaw pero isang kayod, isang tuka pa rin.

Kala ko aasenso na nang maging CPA ako. Mali pala. Di na in demand ang CPA ngayon.
Software na ang gamit ngayon kaya data entry clerks na lang ang kailangan. Mali ako sa
mapiling kurso. Kung naging nurse ako nasa abroad na ako. Maski caregiver papasukan
ko, makapag-abroad lang. Kaso di pwede. Truck driver pwede ako - marami raw
kailangan sa Iraq. Malaki pa ang sahod. Pero kung sa Pinas gutom ang papatay sa iyo, sa
Iraq bala
ng baril naman.

Di ko alam kung anung nangyayari sa bansa natin. Mahirap, magulo, kanya- kanyang
kurakot. Grabe! Bata pa nang sumama ako sa EDSA people's power nuon, puno ng mga
pangarap. Pero ang mga pangarap ko na binigyang buhay ng EDSA people's power ay
matagal nang naglaho. Tulad ng paglaho ng mga pangarap namin ni Jasmine.

Si Jasmine, girlfriend ko nung high school kami sa Manila. Pangarap namin na darating
ang araw na magpapakasal kami, magkakaruon ng sariling pamilya. Pero paggraduate
namin ay di ko na siya nakitang muli. Mahirap na magsasaka lang ang kanyang mga
magulang. Di siya kayang papag-aralin sa college kaya pinauwi na lang sa Bikol.

Gusto kong tulungan si Jasmine kaya naghanap ako ng trabaho. Kakayanin kong maging
working student. Ang mga pangarap namin ang nagbibigay lakas sa akin. Pero talagang
malas, walang mapasukan. Yung mga trabahong nakaadvertised sa diaryo karamihan ay
raket lang pala. Ilan na ba yung inaplayan kong "factory worker" o "management trainee",
yun pala wala namang factory at wala ring training. Pagnag-apply ka dun hihingan ka lang
ng pera pambayad sa application form o photo ID daw. Saan ka nakakita na ikaw na ang
nag-aapply ng trabaho, ikaw pa ang nagbabayad. Wala ka na ngang pera, kinakuwartahan
ka pa. Grabe talaga! Sa pilipinas lang may ganitong raket.

Tingnan mo yang si Greg, ni hindi nakapagtapos ng high school pero komo kapitan ng
barangay sa amin kaya laging madatong. May asawa yan pero meron ding inaapartment
na GRO. Maraming koneksyon kaya laging sariwa ang hasang. Kilalang bata ni mayor.
Maabilidad. Kaya lang sa mga raket ginagamit yung abilidad niya. Huweteng, video karera,
pasugal tuwing fiesta at pag may lamayan sa patay, bintahan ng druga at pekeng VCD...
hawak niya lahat yan sa barangay namin. 'Tang 'nang Greg yan!

Ilang dekada na ba ang dumaan mula nung EDSA I pero lalung naghirap ang bansa
natin. Lalung gumulo ang buhay. Kaya nung EDSA II, sumama rin ako. Baka sakaling may
pagbabagong maganap. Lintik na huweteng yan...Ilang taon din ang lumipas na mula
nung mangyari and EDSA II. Lalu yatang gumulo. Lalu lamang tayong naghirap. Masakit
na ulo ko sa kaiisip.

Paanung hindi sasakit ang ulo ko, kabi-kabila ang daming nang-uudyok ngayon. Yung
kapitbahay ko, sama raw ako sa gagawing EDSA III. Yung isang barkada ko naman sama
raw ako sa samahan nila. Yung kaklase ko nung high-school na nag-PMA, may
pinahihiwatig na baka may mangyaring coup d'etat. At si Ambet naman...

Ah, si Ambet nga pala...matagal na siyang nanghihikayat sa akin sa sumama sa kanilang
kilusan. Bata pa si Ambet aktibo na sa kilusan. Madalas sila sa Sierra Madre. Ilang
dekada na ba ang nagdaan. Hindi pa nagdedeklara ng martial law si Marcos nasa Sierra
Madre na sila. Bago pa lang nagbibinata si Ambet nuon pero nang huli ko siyang makita
putok na ang kanyang mga balat at humpak na ang kanyang mga pisngi tanda ng
lumipas na panahon. Tulad ko sawa na rin si Ambet. Sawa na si Ambet sa pamumundok.
Sawa na rin ako sa EDSA. Magkaiba ang aming ipinaglalaban pero parehong wala ring
mangyari.

Tol, paano aasenso ang bayan natin. Ang mga lider natin kundi trapo, nanggaling sa
dinastiya. Wala na yung mga tunay na lider gaya ni Recto, Diokno, Katigbak, Tanada,
Roxas, Ople, o Salonga. Wala na tayong Ninoy Aquino. Ngayon mag-artista ka, maging
singer ka, maging atleta ka, o magtayo ka ng sariling simbahan pwede ka ng maging
malakas na kandidato. Maski hindi marunong mag-english o makapasa sa college
pwede ka ng maglider-lideran. Ginagawa tayong gago. Mahirap na tayo ginagago pa tayo.
Kase pumapayag tayo.

Nung nakaraang eleksyon naatatandaan mo ba yung isang angkan ng mga pulitiko na
may kanya-kanyang sinusuportahang kandidato? Yung isa para kay Arroyo, yung isang
kapamilya para kay FPJ, at ang yung isa pa kay Lacson. Anung sabi nila? Sabi nila, sila
raw ay mga independent-minded na tao na sumusunod sa kanilang sariling kagustuhan
at paniniwala at hindi sila nagpapadikta sa kagustuhan ng ibang kapamilya.  Talaga lang
ha! Ang sarap namang pakinggan. Ang sabihin mo ginagawa nila yun para kung sino
man ang manalong presidente ay mananatiling well-connected pa rin sila sa gobyerno
para patuloy nilang mapapangalagaan nila ang kanilang dinastiyang pang ekonomiko at
politikal.

Tingnan mo yang cha-cha. Tama ba yan? Kailangan daw natin ng pagbabago sa sistema
ng gobyerno para umunlad ang bansa natin. Para ba sa ikauunlad ng bansa natin yan? O,
baka naman para lang makatakbo uli ang mga trapo na hindi na pwedeng kumandidato
sa ilalim ng kasalukuyang saligang-batas? Kailangan ba natin ang cha-cha para
umunlad? Umuunlad tayo nung panahon ni Magsaysay, Garcia, Macapagal, at nung
unang dalawang termino ni Marcos. Katunayan, isa ang Pilipinas sa fastest growing
economy sa Asia nuon.

Kelan ba nasira ang bansa natin? Hindi ba nuong magkarun ng power grab si Marcos at
magdeklara ng martial law sa bansa? Hindi ba nung sinupil ni Marcos at ng martial law
ang pagsibol ng mga bagong lider sa bansa. Nawalan tayo ng mga bagong Tanada,
Diokno, Katigbak, Roxas, Salonga. Nawalan tayo ng bagong Ninoy Aquino. Nagkarun ng
political vacuum sa ating bansa. Tingnan mo kung sinu-sino ang nagaaway-away ngayon
at gustong magpower grab sa gobyerno. Sila ang mga traditional politicians, cronies, at
family dynasties.

Tol, sawa na ako sa ganitong buhay. Ang daming gustong humatak sa akin pero sino ang
tama sa kanila?Sa Sierra Madre ba ako pupunta? Sa EDSA Tres ba sasama? O, sa
prayer rally ni Brother Eddie? Tama bang magcoup d'etat? O military junta na lang kaya?
May magagawa ba ang cha-cha? Saan patungo ang ating bansa?

Nakalulungkot isipin na watak-watak ang Pilipino. Walang pagkakaisa. Walang lakas.
Tukad din ng bansa natin - pitong libong islang hiwa-hiwalay. Tulad natin, kanya-kanya.
Ang ilokano para sa ilokano. Ang  bikolano para sa bikolano. Ang bisaya para sa bisaya.
Ang muslim para sa muslim. Walang tayong pagkakaisa kaya wala ring lakas. Kaya
nananatili tayong mga biktima ng maruruming pulitiko at mga naghaharing uri. Tama yung
kasabihang "divide and conquer!"

Tol, anung dapat nating gawin? - Juan de la Cruz
Tinig ng Bayan

Hinagpis ni Juan de la Cruz
Tinig ng middle class na Pinoy
Barangay EDSA
Why we don't trust politicians
KATIG.COM




Sections

Charities
Colleges
Dictionary
Education
Government
History
Philippine News
Phone Directory
Schools
Travel
Universities
Weather




Filipino Corner

Alamat
Balita
Bugtong
Idioms
Kasabihan
Kawikaan
Pabula
Palaisipan
Pinoy Jokes



Email Us